Isinailalim sa state of calamity ang mga lalawigan ng Cavite at Zamboanga Sibugay dahil sa tumaas na kaso ng dengue.
Sa datos ng Cavite Provincial Health Office, nasa 3,605 dengue cases na ang naitala sa lalawigan mula January 1 hanggang July 13, mas mataas kumpara sa 2,670 sa kaparehong panahon noong 2018.
Umabot na sa 18 ang nasawi dahil sa sakit na karamihan sa tinatamaan ay mga bata.
Idineklara rin ang dengue outbreak sa mga Dasmariñas at General Trias at mga bayan ng Alfonso, Carmona, General Mariano Alvarez (GMA), Indang, Naic at Silang.
Sa Zamboanga Sibugay – umabot na sa 2,885 ang dengue cases sa Zamboanga Sibugay mula January 1 hanggang July 13, mataas mula sa 126 cases sa kaparehong panahon noong 2018.
Pinakamarami ang kaso ng sakit sa bayan ng Ipil, na sinundan ng mga bayan ng Diplahan, Buug, Payao, Roseller Lim, Kabasalan, Alicia, Titay, Naga at Siay.
Sa kabuuan naman ng Zamboanga Peninsula, umabot na sa 51 ang namatay sa dengue mula sa 9,104 kaso ng sakit.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay magbibigay daan upang magamit ng mga lokal na opisyal ang emergency funds para mapalakas ang dengue prevention measures.