Isinailalim na sa state of calamity ang lungsod ng Marikina kasunod ng matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makabawi sa hirap at pinsalang naranasan nila dahil sa bagyo.
Binigyang-diin ng alkalde na ang kanilang mga residente ay hindi lamang apektado ng baha kundi maging ng COVID-19 pandemic.
“Nahihirapan sila. Hindi madali ang buhay dahil nasa gitna tayo ng pandemic, inabot pa tayo ng baha ngayon. Marami sa amin ang walang trabaho ngayon, hindi alam kung saan kukuha ng pangkain tapos ang mga kagamitan nila sa bahay ay nasira pa dahil din sa bahang ito,” ani Teodoro sa interview ng RMN Manila.
“Nag-declare tayo ng state of calamity para Marikina, para ang pamahalaan ay makatugon nang epektibo para sa pangangailangan nila,” dagdag pa ng alkalde
Sa ilalim ng state of calamity, pahihintulutan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang calamity funds para matulungan ang mga biktima ng bagyo.
Layon din nitong mapabilis ang relief at rehabilitation efforts sa lungsod.
Magpapadala rin sila ng mga doktor sa mga barangay para tingnan ang kalusugan ng mga residente.
At kahit humupa na ang baha, suspendido pa rin ang distance learning classes sa lungsod hanggang sa Martes, November 17.
Samantala, kinumpirma rin ng alkalde na isa ang nasawi sa Barangay Malanday matapos na malunod sa baha.
“Dito sa barangay ng Malanday, may isang na-report na casualty at kasalukuyan at kino-confirm natin ang identity,” saad ni Teodoro