Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Dalauidao, umaasa ito na sa lalong madaling panahon ay maidedekla sa pink zone ang Lungsod dahil wala na rin naman aniyang namomonitor na panibagong kaso ng ASF nitong mga nakalipas na taon.
Ibig sabihin aniya na kapag nailagay sa Pink zone ang Cauayan City ay malaki ang posibilidad na maidedeklara ring ASF Free.
Napunuan naman aniya ng kanilang tanggapan ang mga hinahanap na requirements ng Provincial Veterinary Office kaya malaki ang posibilidad na maibaba ang ASF Status ng Lungsod sa pink zone.
Pinaliwanag ni Dalauidao, kapag ASF free na ang lungsod ay maibabalik na muli ang sigla ng hog industry sa Lungsod sa pamamagitan ng malayang pagbenta ng mga baboy sa ibang lugar.
Gayunman, hindi pa rin aniya inaalis ang banta ng ASF dahil wala pang pormal na anunsyo rito.
Sa mga gustong mag-alaga na ng baboy, mainam pa rin aniya na makipag ugnayan sa kanilang tanggapan para malaman ang mga bago at tamang hakbang sa pag-aalaga ng baboy para maiwasan ang sakit na ASF.
Pansamantala namang natigil ang ginagawang Repopulation program dahil sa kakulangan ng supply ng biik.
Una nang ibinigay ng kagawaran ang 30 piglets sa mga affected ng ASF kung saan nabenta na rin ang mga ito at hindi nakitaan ng sakit ng baboy.
Inaasahan naman sa mga susunod na araw ay ipapamahagi na ang pangalawang batch ng sentinel pigs sa tinatayang nasa 90 recipients.
Samantala, good news naman para sa mga bumibili ng baboy dahil bumababa na ang presyo ng live weight ngayon. Ayon kay Dr. Dalauidao, mula sa dating P240 na presyo ng live weight ay nasa P180-185 nalang ngayon.
Malaki aniya ang tiyansa na kapag mababa ang presyo ng live weight ay bababa rin ang presyo ng kada kilo ng itinitindang karneng baboy sa palengke.
Ibinahagi ni Dalauidao na karamihan sa mga kinakatay na baboy sa Lungsod ng Cauayan ay mga galing sa ibang bayan ng Isabela, Ilocos at Nueva Vizcaya.