Cauayan City, Isabela- Target nang Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela na mairehistro ang nasa 43,147 na Cauayeño para sa National ID system ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagsisimula ngayon ng Step 2 registration sa SM City Cauayan.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Cristilu Geronimo, PhilSys Focal Person, tatagal ang nasabing Step 2 registration sa loob ng higit dalawang (2) buwan.
Aniya, mula Lunes hanggang Sabado ang gagawing registration sa mall kung saan maraming bilang ang inaasahang magtutungo para dito.
Maaari rin aniya ang walk-in subalit kailangan maprayoridad ang mga nairehistro sa Step 1 noong October hanggang December 2020.
Paliwanag pa ni Geronimo, pwede ang walk-in kung mapapansin na ang bawat station sa registration ay kakaunti na ang tao ay maaari ng pumila ang mga walk-in registrants basta siguruhing may dala-dalang valid ID.
Sa mga nakatanggap ng text message mula sa ahensya, kinakailangang sundin ng mga registrants ang oras na itinakda ng kanilang pagpunta sa mga registration center.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng mall na masisigurong nasusunod ang health protocol para makaiwas sa posibleng pagkahawa sa COVID-19.
Pinakalat na ng mall ang mga security guards na magbabantay sa paligid ng registration center upang paalalahanan ang mga registrants.
Target ng PSA Isabela na mairehistro ang nasa humigit kumulang 400,000 na Isabeleño.