STL operator, lubog sa utang? Lucent Gaming and Entertainment, hindi nakakabayad sa gobyerno

Itinutulak ng Quezon City Advocates for Responsible Entertainment, Sports, Gaming and Wellness (Qcares) ang malawakang imbestigasyon kaugnay sa legalidad ng lisensiyang ipinagkaloob sa Lucent Gaming and Entertainment upang patuloy na magpatakbo ng Small Town Lottery (STL) sa lungsod ng Quezon.

Ito ay matapos na lumutang ang impormasyon na nabigo ang nasabing kompanya na tuparin ang kanyang pananagutan sa gobyerno na magbayad ng daily remittance kaugnay sa permit na iginawad rito.

Dahil dito, sa pagsisiyasat ang QCares, nabatid mula sa mga datos ng STL Sales Report para sa calendar year 2022 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kulang ang halagang ibinayad ng Lucent Gaming para sa buwan ng Mayo ngayong taon.


Batay sa dokumento, nagkakahalaga ng Php7.8 milyon lamang ang nai-entrega nito kumpara sa humigit kumulang Php23.9 milyon na kailangan nitong bayaran sa gobyerno.

‘Ang malaking kakulangan sa ibinayad ng Lucent Gaming ay isang malinaw na katibayan ng pagkakautang nito sa gobyerno at ang pagkakaantala ng kanyang pagtugon sa mga tungkuling nakaatang sa kanya bilang isang STL operator,’ ayon sa QCares.

Maliban dito, malaki rin umano ang pagkakautang ng Lucent Gaming sa mga negosyante ng Quezon City na miyembro rin ng QCares sapagkat sila ang  nagbayad ng tatlong (3) buwan na  shortfall na nasa php1,695,955.00.

Sinalo rin nila ang pagbayayad sa daily remittance sa PCSO mula Oktubre 6, 2021 hanggang Pebrero 18, 2022 na umaabot sa halagang php42,364,625.00, dagdag pa ang operation cost ng Lucent Gaming na php23,935,493.00.

Ayon sa QCares, kuwestiyonable ang kasalukuyang estado ng patuloy na operasyon ng Lucent Gaming sa malayang pagsasagawa nito ng operasyon ng STL nang walang kaukulang aksyon mula sa mga pamahalaan.

Sa kabila ng di pagtugon sa kaukulang obligasyon ng Lucent Gaming sa gobyerno, nakapagtataka na patuloy pa rin itong nagsasagawa ng operasyon na ikinababahala ng QCares.

Facebook Comments