Ilang stall sa pampublikong pamilihan sa Pozorrubio ang naabutang gumagamit pa rin ng ipinagbabawal na polystyrene products matapos ang pag-inspeksyon ng mga awtoridad.
Nakumpirma ng Market Office at Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO ang paggamit ng styro containers sa ilang karinderya sa isinagawang pag-iikot sa palengke.
Dahil dito, inisyuhan ng notice of violation ang mga manininda at binilinang agad itigil ang paggamit ng styro.
Ayon sa MENRO, may kaukulang parusa ang patuloy na paglabag sa Municipal Ordinance No. 03-081312.
Sa oras na maulit ang paglabag, maaaring masuspinde ang business permit at patawan ng P500 hanggang P2,500 na multa.
Posible ring makuling ng hanggang anim na buwan o batay sa desisyon ng korte ang lalabag.
Ang hakbang ay bahagi ng pagpapatupad ng ordinansa laban sa paggamit ng polystyrene products at pagkontrol sa single-use plastics sa bayan.
Kaugnay nito, mahigpit na pinaalalahanan ang mga negosyo, tanggapan at kabahayan na sumunod sa mga itinakdang regulasyon para makatulong sa pagbabawas ng basurang plastik at iba pang produktong nakadaragdag sa polusyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










