Sub-committee on Recovery, Reconstruction and Rehabilitation for Marawi City, pinabubuhay sa Kamara

Umapela si Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan sa liderato ng Kamara na buhayin muli ang Sub-committee on Recovery, Reconstruction and Rehabilitation for Marawi City.

Ang panawagan ng kongresista ay bunsod na rin ng apat na taong nakalipas matapos ang Marawi siege ay hindi pa rin ganap ang rehabilitasyon sa lugar.

Paliwanag ni Sangcopan, binuo ang Sub-committee noong 17th Congress para sa mga panukalang inihain para sa Marawi pero ito ay nalusaw rin matapos na kunin ng mother committee na House Committee on Disaster Resilience ang consolidation ng bills.


Hiniling ng mambabatas na kailangan muling buhayin ngayong 18th Congress ang sub-committee upang malaman ang tunay na katayuan ng Marawi City.

Inilahad pa ng mambabatas na hindi nila makita at maramdaman ang sinasabi ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na 65% na ang narating ng rehabilitasyon sa Marawi City at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi ang mga bakwit sa kanilang mga tahanan.

Bukod dito, aabot lamang sa P17 billion ang nai-release na pondo para sa Marawi City mula sa P58 billion hanggang P70 billion na pondong sinasabi ng pamahalaan.

Nanawagan din si Sangcopan sa House Committee on Disaster Resilience na magpatawag ng pulong para silipin ang kasalukuyang sitwasyon ng Marawi City.

Facebook Comments