Tiniyak ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na may nakalaang pondo para sa libreng sakay sa mga estudyante sa Philippine National Railways (PNR).
Kasunod na rin ito ng pahayag ng PNR na hindi nila alam kung saan kukuha ng pondo para sa libreng sakay sa mga estudyante lalo na’t ang kinikita lang nila ay napupunta lang sa pampasahod at operational costs.
Inaasahan kasi na nasa walo hanggang siyam na milyong piso ang mawawalang kita sa PNR kada buwan kapag ipinatupad na ang programang libreng sakay.
Sa interview ng RMN Manila kay DOTr Usec. for Railway Cesar Chavez, tiniyak nito na huhugutin ang pondo para sa libreng sakay sa PNR sa pondo ng national government.
Ayon kay Chavez, bagama’t aminado siyang hindi sapat ang kinikita ng PNR para sa operational cost, makakatulong naman ang libreng sakay sa ating ekonomiya lalo na sa pagbabalik ng klase ngayong Agosto.