Manila, Philippines – Sugatan ang enforcer ng metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos mabundol ng taxi driver na tumatakas matapos masita sa Quezon City.
Kuwento ng traffic enforcer na si Alfredo Lopez Jr., nagsasagawa sila ng clearing operations sa Mother Ignacia at natiyempuhan ang drayber na nag-illegal parking sa lugar.
Nang sisitahin na ang taxi driver ay pinaharurot nito ang sasakyan at nagtangkang tumakas.
Hinabol naman ni Lopez ang taxi gamit ang motorsiklo pero sa gitna ng habulan, na umabot pa sa EDSA, nasagi siya nito.
Nagtamo ng mga galos sa braso at napunit pa ang pantalon ni Lopez sa insidente.
Humingi ng tawad ang drayber, pero ayon kay MMDA Special Operations Group Head Bong Nebrija, desidido silang magsampa ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property and physical injuries laban dito.