Kakausapin na ni House Minority Leader Danilo Suarez si Pangulong Duterte para maituloy na ang pagpapagawa ng Sumag River Diversion Project na magsusuplay ng tubig sa Angat dam.
Ayon kay Suarez, ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Ang Sumag river diversion project na nagkokonekta sa Umiray-Angat Transbasin Tunnel ay nasuspinde ang konstruksyon noong 2016 matapos na magkaroon ng aksidente at masawi ang anim na manggagawa dito.
Paliwanag ni Suarez, napapanahon na para muling buksan at simulan ang nasabing proyekto dahil sa nakaambang water crisis sa mga susunod pang taon lalo pa at 70% na ang natatapos dito.
Ang nasabing proyekto umano ay kayang pondohan ng provincial government ng Quezon na nagkakahalaga ng P1 Bilyon at maaaring matapos sa loob ng isa’t kalahating taon.
Aabot sa 1.8 Million Liters a day ang maaaring makuhang tubig mula dito.