Sumiklab na Sunog sa mga Establisyimento sa Cauayan City, Umabot ng 3rd Alarm

Cauayan City, Isabela- Umabot sa ikatlong alarma ang nangyaring sunog sa Lungsod ng Cauayan na ikinatupok ng apat na business stablishments partikular sa hilera ng Rizal Avenue ng barangay District 3.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Chief Inspector Aristotle Atal, Fire Marshal ng BFP Cauayan City, nahirapan aniya silang apulahin ang apoy dahil malaki na ito nang kanilang maabutan kung saan natupok ng apoy ang tindahan ng Japan Surplus at mga katabing pwesto na barber shop, Computer shop at lechonan.

Sarado din kasi aniya ang mga pwesto nang mangyari ang sunog kaya’t hindi agad napigilan at naapula ang sunog.


Kanyang sinabi na posibleng nagkaroon muna ng unang sunog sa loob mismo ng establisyimento na pinaniniwalaang nagsimula sa Japan Surplus at napansin lamang ng mga tao nang lumaki na ang sunog.

Wala naman aniyang naitalang nasugatan o casualty sa nangyaring sunog dahil wala na aniya ang mga dating natutulog sa pwesto.

Maswerte naman aniya na walang naitalang nasugatan o casualty sa nangyaring insidente kung saan ito aniya ang may pinakamalaking sunog at pinsala sa taong 2020.

Nagpapasalamat naman si FCI Atal dahil sa pagtulong ng BFP Alicia, Cabatuan, Luna, Naguilian, Reina Mercedes at Volunteer Fire Brigade kung saan sinimulang apulahin ang sunog dakong alas 8:10 kagabi na umabot hanggang alas 3:00 ng madaling araw.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring sunog kung ano ang tunay na sanhi bukod sa unang nakikita na Faulty Electrical Wiring.

Inaalam na rin kung magkano ang naitalang pinsala sa nangyaring malaking sunog.

Facebook Comments