TUBIG MULA SA LABAS NG DAGUPAN, DAGDAG-DAHILANSA PAGBAHA SA LUNGSOD TUWING MALAKAS ANG PAG-UULAN O MAY BAGYO

Hindi lamang tubig-ulan sa Dagupan City ang nakikitang dahilan ng mabilis na pagtaas at mabagal na paghupa ng baha sa lungsod noong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Mayor Belen Fernandez, nagsisilbing catch basin ang Dagupan ng tubig na nagmumula sa upland at mga karatig na lugar.

“This is on top of yung cascading water coming from upland… Tapos tayo ang catch basin.”

Kasabay nito ang pagtaas ng Sinucalan River at high tide na nakaaapekto rin sa paglabas ng tubig mula sa lungsod.

Tinukoy din ng alkalde ang tubig na nagmumula sa Calasiao. Kabilang dito ang epekto umano ng nasirang dike sa San Vicente na nakadagdag sa pagbaha sa Malued noong kasagsagan ng habagat at bagyo.

May tubig din umanong nagmumula sa Pogo Grande at Lasip Grande, habang naoobserbahan din ang pag-cross over ng tubig mula Nalsian patungo sa bahagi ng Dagupan.

“It’s not only Dagupan City na yung problema ng Dagupan City. It came from other area.”

Kasama rin sa assessment ang posibleng epekto ng Agno River system, mga nasirang dike sa ibang lugar at dam releases sa kabuuang daloy ng tubig.

Nilinaw naman ni Fernandez na hindi ito usapin ng sisihan sa mga karatig na lugar.

“This is not something na to really talk about or parang sisihan. But yung mga yun is a fact.”

Niitong linggo lamang ay prinisenta ng alkalde sa DPWH ang assessment upang matukoy ang mga flood-control intervention na kailangan hindi lamang sa loob ng Dagupan kundi sa mga daluyan ng tubig na nakaaapekto sa lungsod.

Para sa lokal na pamahalaan, kailangang tingnan ang flooding sa mas malawak na perspektibo dahil bukod sa ulan at high tide, tubig mula sa labas ng Dagupan ang kailangan ding isaalang-alang sa pangmatagalang solusyon sa pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments