Manila, Philippines – Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpabor sa tariffication o pagpapasok sa bansa ng bigas ng mga negosyante basta at magbabayad sila ng tamang buwis.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi na maabot ng pamahalaan ang target na maging rice sufficient ang bansa.
Ito ay dahil sa patuloy na pagliit ng bilang ng mga bukirin sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng Pangulo na importante sa kanya ang sapat na pagkain para sa mga ordinaryong Pinoy at ito ang target ngayon ng kanyang administrasyon.
Nauna dito ay ipinag-utos ng Pangulo ang “unimpeded importation of rice” para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.
Sinabi ng Malacañang na ang kautusan ng Pangulo na rice liberalization ay naglalayong alisin sa kamay ng National Food Authority (NFA) ang pagbibigay ng import permit na karaniwang nakukuha lamang ng mga piling negosyante sa bansa.