Cauayan City, Isabela- Tinututukan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang suplay ng Medical Grade Oxygen (MGO) Tanks sa City of Ilagan bilang tugon sa inaasahang pagtaas ng demand nito kasabay ng paglobo ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Sa ginawang monitoring ng ahensya sa mga distributors ng MGO Tanks sa siyudad, sapat ang suplay sa lungsod dahil na rin sa malakihang pagbili ng mga suppliers.
Tinatayang nasa mahigit 200 tangke ng MGO ang inaasahang darating sa mga susunod na araw upang maiwasan ang panic buying at posibleng pagtaas ng demand ng naturang produkto.
Kaugnay nito, mayroong dalawang refillers na PS License Holders sa lalawigan na awtorisadong mag-refill at magbenta ng Medical Grade Oxygen.
Tuloy-tuloy naman ang pagbabantay ng DTI Isabela sa iba pang mga establisyimento bilang paghahanda sakaling lumobo pa ang sitwasyon sa lalawigan.
Nagpaalala naman ang DTI sa mga mamimili na maging mapagmatyag sa galaw ng suplay at presyo ng MGO upang maiwasan ang pang-aabuso.