Hinimok ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na suportahan ang pagpapatuloy sa pag-aaral ng mga batang ina.
Ayon kay Gatchalian, tulad sa ginagawa ng gobyerno na pagpapalakas sa mga hakbang para mapigilan ang adolescent o teenage pregnancy ay mahalaga rin na mabigyan ng patas na suporta ang reintegration o pagbabalik ng mga teen moms sa education system.
Tinukoy ng senador ang papel ng Alternative Learning System (ALS) para maipagpatuloy ng mga adolescent mothers ang oportunidad na makapag-aral.
Ang ALS sytem na iniakda at inisponsoran noon ni Gatchalian ay may layong maitaas ang pagkakataon ng mga “out-of-school children” na may special cases at mga adult learner kasama rito ang mga indigenous people, na mapaghusay pa ang kanilang basic at functional literacy at life skills at mapursige ang kanilang pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral.
Giit ni Gatchalian, mahalagang maitaguyod ang kapakanan ng mga teen mom upang mabigyan sila ng pangalawang pagkakataon na magkaroon ng magandang kinabukasan.