Pormal na pagsasampa ng kaso sa 7 miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity, welcome development sa Senado

Welcome development para kay Senator Sherwin Gatchalian ang pormal na pagsasampa ng kaso ng Department of Justice (DOJ) sa pitong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na sangkot sa pagpatay sa Adamson University student na si John Matthew Salilig.

Ayon kay Gatchalian, dapat maging malinaw ang mensahe sa mga patuloy na nasasangkot sa hazing matapos na masampahan ng asunto ang mga miyembro ng fraternity.

Aniya, patunay lamang ito na hindi makatatakas sa ginawang krimen at sa pananagutan sa batas ang mga gumagawa ng ganitong klase ng krimen.


Binigyang-diin pa ni Gatchalian na panahon na para wakasan na ang kultura ng karahasan na nagkukubli sa kapatiran.

Dagdag pa ni Gatchalian, nakikiisa siya sa buong sambayanan sa pagiging mapagbantay hanggang sa makamit ng pamilyang Salilig ang hustisya at maparusahan ang lahat ng mga lumabag sa batas.

Facebook Comments