Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi na kakailanganin pa ng Kongreso na magapruba ng supplemental budget para punan ang kulang sa alokasyon sa emergency subsidy program para sa mga mahihirap na pamilyang apeltado ng COVID-19 pandemic.
Sa isang virtual presser, sinabi ni Cayetano na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ay malaya ang ehekutibo na maglipat ng pondo para gamitin sa COVID-19 response.
Sakali mang kulangin ang inilaan na P275 Billion na ayuda sa mga pinakamahihirap na mga pag-aaral nang ginagawa ang economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa posibleng pagkuhanan ng pondo.
Sa ngayon, nasa P200 billion ang alokasyon ng pamahalaan para sa ibibigay na P5,000 hanggang P8,000 sa 18 million na mahihirap na pamilyang Pilipino para sa loob ng dalawang buwan.
Bukod sa financial assistance ay pinaghahandaan na rin ang negatibong epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa kapag makaahon na sa krisis na dulot ng naturang sakit.