
Humirit ng supplemental budget ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Middle East.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, tinanong ni Senator Risa Hontiveros ang DMW kung kakailanganin ba ng supplemental budget ng mga ahensya sakaling tumindi pa ang gulo sa Gitnang Silangan.
Tugon ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kakailanganin nila ang tulong ng Senado para sa dagdag na pondo sakaling mangyari ang worst-case scenario.
Batay naman sa nakuhang datos ni Senator Sherwin Gatchalian sa foreign service institute ng DFA, tinatayang hanggang 93,000 na mga OFWs, documented at undocumented, ang kailangang i-repatriate mula sa mga crisis alert areas at kailangan ng P13 billion na pondo para magawa ito.
Samantala, magsusumite naman si OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan sa Senado ng iba’t ibang simulation na kanilang ginawa para sa kakailanganing dagdag na pondo o supplemental fund sa ilalim ng emergency repatriation fund (ERF) sakaling i-repatriate ang malaking bilang ng mga kababayan sa Middle East.
Para sa taong ito, P1.76 billion ang kabuuang ERF ng OWWA pero 15 percent na ng pondo ang nagamit wala pa man tatlong buwan ang lumipas at mayroon na lamang natira na halos P1.5 billion.










