Cauayan City, Isabela- Sapat at walang dapat ikabahala sa supply ng kuryente. Ito ang ginawang pagtitiyak ni Kinatawan Presley De Jesus ng PhilRECA partylist kaugnay sa lumalalang init na nararanasan dito sa Lambak ng Cagayan.
Ayon sa kanya mayroon sapat na reserba ng kuryente sa Luzon dahil sa mga ginawang hakbang upang masiguro na hindi kukulangin ang supply dito sa rehiyon Dos.
Aniya, nakatulong umano ng malaki ang ipinatupad na ECQ sa Luzon dahil maraming malalaking negosyo ang pansamantalang tumigil kaya’t mayroon sapat umanong reserba sa kuryente habang patuloy na tumitindi ang panahon ng tag-init at inaasahan na dahil sa pagsasailalim sa maraming lugar sa Luzon mula sa Enhance Community Quarantine (ECQ) patungo sa ‘new normal’ o General Community Quarantine (GCQ).
Habang nasa ‘new normal’ ang ating Lalawigan ay maraming establisyimento na rin ang nagbukas kaya’t marami na rin ang gagamit ng kuryente lalo na’t ramdam pa rin ang matinding init ng panahon sa kasalukuyang buwan.
Dagdag pa kay Cong. Presley na bilang presidente ng ISELCO -1 ay tiniyak nito na makikinabang ang halos pitumpung libong member consumer ng Electric Cooperative ng ISELCO 1 sa kanilang programang libreng bayarin sa konsumo ng kuryente sa buwan ng Marso para sa mga maliliit na mga gumagamit ng kuryente bilang bahagi ng kanilang ambag at tulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 krisis sa bansa.