
Agad na nahuli at nasampahan ng kaso ng Navotas Police ang suspek na nanaksak ng 5 taong gulang na bata sa Navotas City noong March 31.
Ayon sa acting District Director ng Navotas Police District (NPD) na si PBGen. Christopher Dela Cruz, sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya ay natukoy nila ang huling kasama ng nasabing biktima bago maganap ang nasabing insidente.
Ayon pa kay Dela Cruz, nakita sa CCTV footage na nagpalit ang suspek ng damit kung kaya’t dito na nagkaroon ng suspetya ang mga pulis at nang tanungin ito ay hindi naman niya tinanggi ang nasabing krimen.
Dagdag pa ni Dela Cruz na kilala ng nasabing biktima ang suspek dahil nakikipaglaro ito sa kanya at wala rin itong naunang kaso kaugnay ng anumang karahasan.
Nasa kustodiya naman na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong Frustrated Murder at paglabag sa RA7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act of 1992.
Samantala, narekober sa crime scene ang isang basag na bote, kahoy at ang bituka ng biktima.
Sa ngayon, ang batang biktima ay nasa ospital at sumasailalim na sa surgery.










