SUSPEK SA PAGBANGGA NG ISANG LOLO, NADAKIP

Kulong ngayon ang isang driver na nakabangga sa isang 84-taong gulang na lolo matapos itong maharang ng mga otoridad sa bayan ng Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang nasabing suspek na si Arturo Pineda Jr, 66-taong gulang, at residente ng Caloocan City.

Ayon sa ulat, nasa gilid lamang umano ng daan ang biktima nang biglang mabangga ito ng isang rumaragasang sasakyan at sa halip na huminto ang nasabing driver at tulungan ang biktima ay humarurot ito palayo patungong kanlurang direksyon.

Gayunpaman, ang ilang mga bahagi ng sasakyan na naiwan sa lugar ng insidente ang naging daan sa pagkakakilanlan ng naturang suspek kaya madali itong naaresto sa bahagi ng Santa Fe.

Nasa kustodiya na ng Bambang Police Station ang naturang suspek maging ang sasakyan na ginamit nito. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury.

Samantala, hanggang sa ngayon ay nagpapagaling pa rin sa ospital ang biktima na kinilala bilang si Cerilo Belon Cabantac, na residente ng Macate, Bambang dahil sa tinamo nitong sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Facebook Comments