Paghihiganti ang pangunahing nakikitang dahilan ng Philippine National Police o PNP sa pagkamatay ni Jolo, Sulu Police Office Chief Lt. Col. Walter Annayo nang nakaraang taon.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief Pol. Gen. Debold Sinas matapos nitong kumpirmahin na may kaugnayan ang pagpatay kay Annayo sa nangyaring pagpatay naman ng mga dating tauhan nito sa apat na sundalo sa Jolo.
Ayon kay Sinas, kamag-anak ng isa sa apat na sundalo ang nasa likod ng pagpatay kay Annayo.
Ito ay batay na rin sa inisyal na imbestigasyon at dahil aniya sa impluwensya ng kultura o relihiyon kaya ito ginawa.
Kaya naman paulit-ulit ang panawagan ni Sinas sa siyam na dating pulis sa Jolo na sumuko na dahil indikasyon aniya ng pagkamatay ni Annayo na nalalagay na rin sa alanganin ang kanilang buhay.
Matatandaang pinalaya ng liderato ng PNP ang siyam na dating pulis sa Jolo matapos sibakin sa serbisyo dahil sa kawalan ng arrest warrant.