Suspek sa Pamamaril sa Isang Brgy. Kapitan sa Enrile, Cagayan, Nasakote Na!

*Tuguegarao City- *Natimbog na ang suspek na bumaril kay Punong Barangay Rodrigo Magbitang ng Liwan Norte, Enrile, Cagayan matapos magsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad kahapon.

Kinilala ang suspek na si Nomeric Arce, bente syete anyos, may asawa at residente ng brgy. Ballayangon, Pinukpok, Kalinga.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, pauwi umano kahapon sa kanilang bahay si brgy. Captain Magbitang kasama ang kanyang mga tanod lulan ang kanilang mga motorsiklo sa kahabaan ng Sitio Birung nang bigla umanong sumulpot mula sa damuhan ang suspek at pinagbabaril sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang kapitan.


Agad umanong tumakas ang suspek habang dinala naman sa pinakamalapit na pagamutan ang kapitan para sa kanyang kaukulang lunas.

Samantala, nang maaresto ang suspek ay nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre kwarentay singkong baril, apat na bala ng caliber 45, apat pang bala ng caliber 45 na nakuha sa kanyang bulsa at limang sachet ng hinihinalang shabu.

Hawak na ng PNP Enrile ang suspek habang inihahanda naman ng kapulisan ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Bigong Pagpatay laban kay Nomeric Arce.

Facebook Comments