Bukas si suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Chief General Gerald Bantag sa posibleng special audit sa paggamit ng isang bilyong pisong construction funds ng ahensya.
Ito kasunod sa pahayag ni BuCor Officer-in-Charge (OIC) Gregorio Catapang Jr., na inutusan siya ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na silipin ang kuwestiyonableng paglalabas ng pondo para sa pagtatayo ng apat na pasilidad.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Rocky Balisong, abogado ni Bantag na susunod sila sa tamang proseso na isasagawa ng Commission on Audit (COA).
Una na rin sinabi ni Catapang na sasampahan niya ng kasong plunder si Bantag at iba pang personalidad na posibleng sangkot sa pagpapalabas ng P950 milyon sa ilalim ng P1-bilyong proyekto bago matapos ang taon o unang bahagi ng susunod na taon.
Maliban sa plunder ay mahaharap din si Bantag sa mga kasong may kaugnayan sa torture at paglabag sa karapatang pantao dahil sa umano’y pananaksak niya sa dalawang preso sa New Bilibid Prison (NBP).
Nabatid na kabilang din si Bantag sa mga umano’y tinuturo na mastermind sa pagkamatay ng beteranong broadcaster na si Percy Lapid at sa middleman na si Jun Villamor.