Suspendidong Mayor ng Nagtipunan, Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte

Cauayan City, Isabela- Nauwi sa madamdamin at personal ang naging talumpati ni Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino sa harap ng daan-daang tribung Bugkalot hinggil sa kanyang pagkakasuspinde bilang punong bayan mula sa kasong Abuse of Authority at Graft and Corrupt Practices Act na isinampa sa provincial board laban sa kanya.

Sa Press Conference, ipinunto ng alkalde na tinanggalan umano ng ina ang kanilang bayan na siyang poprotekta sana para sa nakararaming Nagtipuneros.

Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, sinisi ni Meneses ang Tourism Officer na si Loyd Tolloy dahil sa ginawang pagsasampa nito ng kaso laban kung kaya’t humantong ang sitwasyong ito.


Matatandaang sinuspinde ng alkalde sa kanyang tungkulin si Tolloy sa hindi batid na kadahilanan kasabay ng panggigipit di umano sa kanya ng sinuspindeng alkalde.

Inungkat rin ng alkalde ang ginawa umanong pagpapaaral kay Tolloy ng kanyang pamilya at iginiit na tinulungan rin na mamuno bilang kagawad sa mahabang panahon hanggang sa pamunuan ni Tolloy ang pagiging tourism officer.

Samantala, inakusahan rin ni Meneses ang mga umano’y pumabor laban sa kanyang suspensyon dahil sa gawa-gawang mga dokumentong nagtutulak sa kanya upang mawala sa pwesto.

Una rito, umapela si Mayor Meneses kay Pangulong Rodrigo Duterte upang suriin ang umano’y pagmamalabis sa kapangyarihan ng ilang taong naghahangad na mamuno sa kanilang bayan.

Facebook Comments