Susunod na hakbang ng pamahalaan matapos ibasura ng ICC ang apela ng bansa na suspendihin ang pagpapaimbestiga sa war on drugs, ipinauubaya ni Sen. Dela Rosa sa OSG

Ipinauubaya ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Office of the Solicitor General ang susunod na hakbang ng pamahalaan matapos na ibasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng bansa na suspindehin ang pagpapaimbestiga sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng drug war ng dating Duterte administration.

Sa tanong kung dapat na maghain ng ‘motion for reconsideration’ ang bansa sa ICC, tugon ni Dela Rosa na nasa SolGen ang desisyon kung gagawin ito.

Maging ang pagbibigay ng komento sa pagbasura ng ICC sa apela nila ay ipinauubaya na rin ng senador sa SolGen.


Giit ni Dela Rosa, pabalik-balik na lamang ang isyu ukol sa imbestigasyon ng ICC at paulit-ulit na lang din ang nagiging sagot niya tungkol dito.

Nauna nang isinagot noon ni Dela Rosa na para sa kanya hindi na dapat makialam ang dayuhang korte sa imbestigasyon sa kampanya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon dahil gumagana naman ang justice system ng bansa.

Facebook Comments