"Swab Test, Wala Umanong Silbi"- Sadanga Mayor Ganggangan

Cauayan City, Isabela- Kinuwestyon ni Sadanga Mayor Gabino Ganggangan kung ano ba ang silbi ng ginagawang pagsasailalim sa swab test ng mga hinihinalang positibo sa COVID-19.

Ito ang pananaw ng alkalde dahil sa kaliwa’t kanang pangamba ng mga taong tinatamaan ng COVID-19 noong kasagsagan ng isyu sa naturang virus sa bansa.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Ganggangan, inihalimbawa nito na marami man ang nagpopositibo sa COVID-19 ay makalipas naman ang ilang linggo ay idedeklara rin ang mga ito na ‘recovered’.


Aniya, laging paalala umano ng mga doktor na palakasin ang immune system ng isang indibidwal gaya ng pag-inom ng mga vitamin-C para makaiwas sa anumang uri ng sakit.

Una na ring kinausap ng alkalde ang ilan sa mga kababayan nito sa kanilang sitwasyon matapos magpositibo sa virus subalit iginiit ng mga ito na simpleng trangkaso lang ang kanilang nararamdaman at kalauna’y gumagaling din.

Ayon pa sa opisyal, hindi naman umano COVID-19 ang ikinamamatay ng mga pasyente kundi ang mga dati na nitong iniindang sakit.

Kinuwestyon rin nito na bakit kinakailangan pang magtago, sumailalim sa self-isolation kung hindi naman mareresolba nito ang paggaling ng mga nagpositibo sa virus.

Inihalimbawa rin ni Ganggangan na hangga’t kayang magsaka ng mga pananim ay hindi naman ipinagbabawal dahil kakailanganin rin naman na tanggalin ang face mask kapag gagawin ito ng mga magsasaka.

Kinumpirma rin ng alkalde na kinausap ito ng Department of Health at National Inter-Agency Task Force hinggil sa kanyang pahayag na nagviral sa social media.

Facebook Comments