SWS | Malacañang – magdodoble kayod para labanan ang kriminalidad kasunod ng inilabas na resulta ng panibagong survey

Manila, Philippines – Welcome pa rin sa Malacañang ang resulta ng 3rd quarter survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasabing 6.1% ng mga Pinoy ang nabiktima ng iba’t-ibang krimen sa nakalipas na anim na buwan.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – bagama’t mas mataas ito ng 0.7% kung ikukumpara sa resulta ng kaparehong survey noong 2nd quarter ng 2018, ito pa rin naman ang pinakamababang crime victimization rate sa 3rd quarter sa mga nakalipas na taon.

Pinakamataas aniya ay naitala noong September ng 2010.


Kaugnay nito, tiniyak ni panelo na hindi magiging kumpiyansa ang Malacañang at magdodoble-kayod pa para mapababa ang insidente ng krimen sa bansa.

Ibinida pa ni Panelo na marami nang nagawa ang administrasyon para mapababa ang crime rate kabilang na ang mga may kaugnayan sa iligal na droga.

Nararamdaman na aniya ng maraming Pilipino na mas ligtas sila dahil alam ng mga ito ang paninindigan ng pamahalaan laban sa mga kriminal lalo na ng mga drug pushers.

Malinaw din naman aniya na ang mga kumukontra at hindi naniniwala sa mga ipinatutupad na polisiya ni Pangulong Duterte ay mga pulitikong sangkot sa mga iligal na aktibidad o di naman kaya ay mga taga-oposisyon kabilang na ang mga bulag na sumusunod sa mga ito.

Facebook Comments