Inihayag ng Taguig City Government na nagbukas na sila ng vaccination microsite sa iba’t ibang barangay health centers sa Taguig City.
Ayon sa Local Government Unit (LGU), layon umano nitong maabot at makarating ang mas maraming indibidwal sa iba’t ibang komunidad para sa mas mapabilis pa ang pag-abot sa ‘Overall Population Protection’ ng Taguig City Laban sa banta ng COVID-19 sa lungsod.
Paliwanag ng Taguig LGU, ang bawat isa umanong vaccination microsite ay kaya umanong magbakuna ng 30 hanggang 50 indibidwal bawat araw.
Dagdag pa ng LGU na 13 umano rito ay bukas ngayong araw ng Lunes simula alas-8:00 ng umaga hanggaa alas-4:00 ng hapon kung saan partikular umano na lugar ng Bambang, Ibayo, San Miguel at Usuan Health Center sa District 1 gayundin ang Central Signal, Katuparan, Maharlika Village, North Signal, Osano, Pinagsama, South Daang Hari, Tanyag at Department of Public Works and Highways o DPWH health center sa District 2.
Sa ngayon umano ay umakyat na sa 645,000 o 74% ng kabuuang populasyon ng Taguig City ang bakunado na laban sa COVID-19, kung saan 68% o katumbas ng 587 dito ay fully vaccinated na.
Giit ng Taguig City LGU, sila ay mayroong 37 vaccination sites kabilang ang 31 barangay health center, apat na mga vaccination hub at dalwang vaccination bus.