Cauayan City, Isabela- Ipinagmalaki ni Sports Psychologist Dr. Karen Katrina Trinidad ang ilang sikreto sa makasaysayang tagumpay ni Weightlifter Gold Medalist Hidilyn Diaz sa katatapos na Tokyo Olympics 2020 na ginanap sa bansang Japan.
Si Dr. Trinidad ay isa sa mga taong nasa likod ng tagumpay ng kauna-unahang Pinay Gold Medalist na nag-uwi ng karangalan sa bansa.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Trinidad, isang masipag, determinado at handang matuto sa anumang bagay si Diaz, bagay na nakikitang nagbigay pag-asa sa kanya na makapag-uwi ng gintong medalya.
Pag-amin naman ni Dr. Trinidad na maging siya ay nakakaramdam pa rin ng pressure hanggang ngayon dahil bago pa man ang laban ng Pinay Gold Medalist ay kinailangan pa rin niyang pag-aralan ang takbo ng laro gayundin ang tingnan ang behavior ng atleta.
Ayon pa sa kanya, kailangan na makabuo ka ng isang magandang relasyon sa isang atleta upang matutukan ang emotional behavior ng isang atleta.
Samantala, pag-uusapan naman sa Post-Olympic evaluation ang susunod na hakbang ni Hidilyn Diaz kung gaano ba ito kahanda pa na lumaban sa Tokyo Olympics sa taong 2024 maging sa iba pang sports event sa bansang Peru sa darating na Disyembre, SEA Games na gaganapin naman sa Vietnam at ASIAN Games na gagawin sa Setyembre sa bansang China.
Ibinida pa ni Dr. Trinidad ang ilang paghahanda ni Hidilyn Diaz sa bawat laro gaya ng lingguhang paghahanda sa sarili bago sumabak sa kanyang kompetisyon, palagiang pagsusuot ng sports gear nito na kulay asul,medyas at pag-aayos ng buhok.
Si Dr. Trinidad ay tubong Alcala, Cagayan na nagtapos sa kursong BA Psychology sa Assumption College, MA in Industrial Psychology at Doctorate degree sa Clinical Psychology sa University of Sto. Tomas.
Sa kasalukuyan ay tumatayong consultant si Trinidad ng Philippine Sports Commission.