Takot sa Bakuna, Isang Dahilan ng Mababang bilang ng mga Nabakunahan sa Cauayan City

Cauayan City, Isabela- Kinuwestyon ni Liga ng mga Barangay President Victor Dy Jr. ng Cauayan City ang status ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa lungsod.

Sa nakalipas na regular session ng mga kinatawan ng City Council, hindi napigilan ni Dy na tanungin kung ano na nga ba ang sitwasyon ngayon ng vaccination bagama’t pabago-bago ang bilang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa siyudad.

Kaagad namang pinatawag ng konseho ang pamunuan ng RHU 1 at 2 upang ipaliwanag ang status ng pagbabakuna sa mga Cauayeño lalo na ang mga kabilang sa priority list group.


Tugon ng RHU Cauayan, vaccination hesitation o takot sa bakuna pa rin ang itinuturing na dahilan kung bakit mabagal pa rin pagbabakuna.

Kaugnay nito, ipinagmalaki ng RHU na nasa 60% na ang nabakunahan sa A3 priority group kontra COVID-19 at umaasa sila na matatapos ang pagbabakuna bago matapos ang buwan ng Oktubre.

Sa ngayon ay nasa A2 priority group o mga senior citizen ang kinukumpleto na mabakunahan kung saan nasa 10,000 ang kanilang bilang batay sa datos ng Office of the Senior Citizen.

Samantala,ipinanukala naman ni City Councilor Rufino Arcega na ang mga matatandang bed ridden o hindi na makagalaw pa ng maayos ang siyang kailangan bisitahin nalang sa kanilang mga tahanan para mabakunahan laban sa virus maging ang mga mismong tagapag alaga.

Bagama’t wala pang kasiguraduhan ang hakbang na ito ay ikinokonsidera rin ng RHU kung may sapat na suplay ng bakuna para dito.

Sa kasalukuyan ay mababa pa rin ang bilang ng mga nabakunan sa lungsod.

Patuloy naman ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko na sundin pa rin ang umiiral na health protocol.

Facebook Comments