TAMANG PANGANGALAGA SA MGA ALAGANG HAYOP NGAYONG TAG-INIT, IPINAALALA NG PDRRMO

Ipinaalala ng Pangasinan Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa mga pet owner ang tamang pangangalaga sa mga alagang hayop ngayong tag-init upang maiwasan ang panganib dulot ng matinding init ng panahon.

Ayon sa tanggapan, mahalagang tiyakin na laging may malinis na inuming tubig ang mga alagang hayop at panatilihin ang mga ito sa malamig o malilim na lugar upang hindi maapektuhan ng matinding sikat ng araw.

Pinapayuhan din ang mga fur parent na ilabas lamang sa paglalakad ang kanilang mga alaga kapag hindi na mainit ang panahon upang maiwasan ang sobrang init sa kanilang katawan.

Mahigpit ding pinaalalahanan ang publiko na huwag iwan ang mga alagang hayop sa loob ng nakaparadang sasakyan dahil maaari itong magdulot ng heatstroke.

Dagdag ng PDRRMO, dapat bantayan ang mga senyales ng heatstroke sa mga alaga tulad ng labis na hingal at panghihina upang agad itong mabigyan ng kaukulang atensyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments