Nagpaalala ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng pagpapatupad ng tamang presyo ng medical supplies partikular na sa N95 at surgical masks.
Sa harap ito ng napaulat na pananamantala ng ilang negosyante at pagpalo ng presyo ng masks sa merkado na ginagamit na pang-proteksyon mula sa ashfall.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DTI undersecretary Ruth Castelo, alinsunod sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, sampung porsyento lamang ng presyo ng produkto ang pinahihintulutang maging tubo o profit ng mga negosyante.
Subalit batay sa naging pag-iinspeksyon nila sa ilang medical supply stores sa Bambang, lungsod ng Maynila kahapon ay umaabot pa hanggang sa 200 percent ang patong ng mga nagtitinda.
Binigyang-diin ni Castelo na malinaw na violation o paglabag ito sa consumer act.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Castelo na ilang tindahan na rin sa Bambang ang binigyan nila ng notices of violations kasabay ng paghikayat sa lokal na pamahalaan ng Maynila na suspendihin ang naturang medical supplies stores.