TAMBAK AT MABAHONG BASURA, ISANG LINGGO NG DI KINOKOLEKTA

Makabaliktad sikmura kung mailalarawan ang mga basurang nakatambak lamang sa gilid ng tulay sa bandang Purok 5 at 6 ng Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa ilang mga residente sa naturang Barangay, halos isang (1) linggo na umano ang mga nakaipon at mabahong basura sa naturang tulay.

Ang ilan sa mga nakatambak na nakalagay sa mga sako ay naglalaman ng halo-halong basura katulad ng mga sanitary napkins, diaper, at maging patay na hayop na siyang nagiging sanhi ng masangsang at mabahong amoy nito.

Isinisisi ng ilang residente ang isyu sa basura sa taga kolekta umano dahil sa tuwing napupuno na ang dump truck mula sa ibang Barangay ay hindi na nakararating at hindi na nakokolekta ang kanilang mga basura.

Ayon naman sa ilang opisyales ng Brgy. Turayong, ang masangsang na amoy ng mga basura ay dahil sa iresponsableng pagtipon-tipon ng mga basura ng mga residente.

Bukod dito, nauna na umanong naglagay ang Brgy Officials ng mga “Trash Segregation” sa bawat purok sa nasabing lugar ngunit hindi parin umano ito nasusunod.

Lingo-lingo rin umano ang ginagawang assembly meeting ng mga opisyales sa pangunguna ng kanilang Brgy. Captain na si Silverio Ramones para maghatid ng mga impormasyon sa kanilang nasasakupan ngunit hindi parin umano ito epektibo.

Facebook Comments