Iminungkahi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na lagyan ng CCTV cameras ang mga tanggapan at tahanan ng Ambassador ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa para mapigilan silang gumawa ng pang-aabuso.
Ang suhestiyon ni Zubiri ay kasunod ng nabunyag na pagmaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kanyang Pinay na kasambahay na nakita sa kumalat na mga CCTV footage.
Kaugnay nito ay plano ni Zubiri na isulong na madadagdagan ang budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa CCTV program.
Para kay Zubiri, maituturing na black eye sa DFA ang ginawa ni Ambassador Mauro sa ating kababayang naninilbihan sa kaniya.
Dagdag pa ni Zubiri, hindi rin maganda ang mensaheng ipinararating nito sa mga bansa kung saan may mga pag-abuso sa mga manggagawang Pilipino.
Sa kabila nito ay sinabi ni Zubiri na hindi na kailangan pang magsagawa ng Senado ng pagdinig kaugnay sa ginawa ni Ambassador Mauro dahil may ikinasa ng imbestigasyon ang DFA.