Nangako ang Department of Energy (DOE) sa mga taga-Catanduanes na gagawin ang lahat ng paraan upang maibalik agad o ma-restore ang kanilang power supply.
Ito ay makaraang mapuruhan ng Bagyong Rolly ang Catanduanes kung saan wala silang kuryente, sira-sira ang mga kalsada, walang linya ng telekomunikasyon at wala naring makain at mainom ang mga apektadong residente.
Ayon kay Energy Usec. Wimpy Fuentebella, nakahanda na at anumang oras ay idedeploy na nila ang Task Force Kapatid.
Sinabi ni Fuentebella na prayoridad nila ang Catanduanes maging ang Albay, Camarines Sur at iba pang lugar sa Bicol region.
Matatandaang una nang ipinapanawagan ni Catanduanes Gov. Joseph Cua na matulungan sana sila ng DOE lalo na ang ang electric cooperative ng Albay dahil pawang nagsipagbagsakan ang mga poste at mga linya ng kuryente sa lugar kung saan pansamantalang sumilong ang kanilang mga ferry boat.
Ito lamang aniya ang paraan ng kanilang transportasyon kaya ngayon ay wala talagang masakyan mula Albay patawid ng Catanduanes dahil naipit sa Albay ang kanilang mga ferry boat.