Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi sila nagrekomenda sa Pangulong Rodrigo Duterte na i-abolish ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa halip ay sinabi ni Guevarra na bilang head ng task force, ang inirekomenda lamang nila sa Pangulo ay ang masusing pag-aaral ng Governance Commission for Government-Owned or -Controlled Corporations (GCG) para sa posibleng re-organization sa PhilHealth.
Hindi rin aniya malinaw sa kanila kung ang nais ba ng Pangulong Duterte ay re-organization, buwagin o isapribado ang PhilHealth.
Nilinaw naman ni Guevarra na dalawa sa tatlong options ay nangangailangan ng congressional action.
Una nang inihayag ng Pangulong Duterte na nais na niyang buwagin ang PhilHealth at sa halip ay bumuo na lamang ng panibagong ahensya.