Tatlo, patay sa pamamaril sa Ateneo de Manila University

Kinumpirma ng Quezon City Police Distirct (QCPD) na tatlo na ang nasawi sa nangyaring shooting incident sa labas ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Partikular sa Gate-3 ng nabanggit na unibersidad sa kahabaan ng northbound ng C5 Katipunan.

Ayon kay QCPD District Director PBGen. Remus Medina, nangyari ang pamamaril ng alas-2:55 ng hapon kung saan inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang dahilan ng insidente.


Pinagbawalan naman ang mga motorista na makapasok sa loob ng bisinidad ng Ateneo habang naka-lockdown ito at hindi muna pinapalabas ang mga estudyante.

Napag-alaman kay Supreme Court PIO Chief Brian Hosaka, patungo sana ng Ateneo University si Chief Justice Gesmundo at nasa gitna na ito ng biyahe para maging guest speaker sa graduation ceremony ng Ateneo Law School nang maganap ang insidente.

Dahil dito, pinayuhan na lamang si CJ Gesmundo na bumalik at huwag ng tumuloy pa sa nabanggit na unibersidad.

Inihayag naman ni Atty. Mico Clavano ng Department of Justice (DOJ) na nagpadala na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga agent nito sa Ateneo para tumulong sa ginagawang imbestigasyon at magbigay ng assistance sa mga biktima at school authorities.

Samantala, isang suspek naman sa pamamaril ang sinasabing hawak na ng mga awtoridad kung saan kinansela naman na ng Ateneo ang 2022 commencement exercise ng kanilang Law School.

Facebook Comments