Tatlong anggulo sa nangyaring pagpapasabog sa Maguindanao, tinututukan ng militar

May tatlong anggulo ang militar na tinitingnan ngayon matapos ang nangyaring pagpapasabog sa isang covered court sa Datu Piang, Maguindanao nitong Sabado na ikinasugat ng walong katao.

Ito ang inihayag ni Philippine Army 6 Infantry Division Spokesperson Lt. Col. John Paul Baldomar, kasabay ng pagkumpirma na ang pagsabog ay mula sa isang Improvised Explosive Device (IED).

Aniya, dahil sa signature ng bomba na kalimitang gamit sa Central Mindanao ay una nilang kinokonsiderang posibilidad ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) o Dawla Islamiya ang nasa likod ng pagpapasabog para ma-divert ang atensyon ng militar mula sa mga operasyon laban sa kanila.


Pangalawang posibilidad aniya ay personal na pag-atake dahil bago ang insidente ay nakatanggap umano ng banta ang grupo ng LGBT na may aktibidad sa covered court noong panahong ‘yon.

Pangatlo aniyang posibilidad ay may kinalaman sa politika dahil dati na aniyang “hotspot” ang Datu Piang.

Sa ngayon, nakikipagtulungan na ang militar sa Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy at pagtugis sa mga responsable sa insidente.

Facebook Comments