
Inaasahang tatlong kasunduan ang lalagdaan ng Pilipinas at Cambodia sa unang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang bansa sa susunod na linggo.
Sa Malacanang press briefing, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), na saklaw ng mga kasunduan ang paglaban sa transnational crimes, pagpapaunlad ng higher education, at pagpapalakas ng aviation services.
Layon ng pagbisita na mas palawakin ang ugnayan ng dalawang bansa sa kalakalan at ekonomiya, patatagin ang kooperasyon laban sa mga krimeng tumatawid ng hangganan, at humingi ng suporta para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit chairmanship ng Pilipinas sa 2026.
Nakatakdang umalis ng bansa ni PBBM sa September 7, kasama sina First Lady Liza Marcos at ilang miyembro ng gabinete.
Ito rin ang unang pagbisita ng isang pangulo ng Pilipinas sa Cambodia matapos ang siyam na taon.
Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), mahigit 7,500 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia, karamihan ay nasa sektor ng edukasyon at serbisyo.









