Tatlong katao, arestado sa drug operation ng mga operatiba ng station 7 ng QCPD sa Cubao QC

Manila, Philippines – Arestado ang tatlong hinihinalang tulak sa ilegal droga matapos magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Station 7 ng QCPD sa isang Apartelle sa Cubao Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Russel Phillip John Naong, Rose Mae Arellano at Dianne Rose Valdez.

Ayon kay QCPD Station 7 Commander P/Supt. Lois Benjie Tremor, nakatanggap sila ng tip na sa loob ng Yale Apartelle sa Yale Street Brgy. E. Rodriguez Cubao na ginagawa umano ng bentahan ng iligal ng droga kaya’t agad silang nagkasa ng operasyon.


Target sa naturang buy bust si Naong na siyang kilalang tulak umano ng iligal na droga sa lugar.

Inaresto naman sina Valdez at Arellano na pawang mga parokyano ni Naong, makaraang maaktuhang gumagamit ang mga ito ng iligal na droga.

Narekober sa mga suspek ang 5 bulto o 25 gramo ng shabu na may street value na 60 libong piso, mga drug paraphernalia at 2,400 pesos na drug money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Facebook Comments