*Cauayan City, Isabela- *Nahaharap sa kasong PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines ang tatlong katao matapos makumpiska sa mga ito ang mga pinutol na kahoy na walang kaukulang dokumento sa Brgy. Maddalero, Buguey, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ang suspek na driver ng van na si Michael Buenaflor, nasa tamang edad habang nakilala din ang mga kasamahan nito na sina Romeo Cusit, 65 anyos, may asawa, isang karpintero at residente ng Brgy. Leron at Cesar Villasin, 64 anyos, karpintero at residente ng Brgy. Sta. Maria na kapwa naninirahan sa nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP Buguey, tinatayang mahigit kumulang 300 board feet na pinutol na kahoy ng G-Melina sa magkakaibang sukat ang nakumpiska lulan ng isang puting van.
Sinubukan ng mga awtoridad na hingan ng mga dokumento ang mga suspek kaugnay sa nasabing mga kahoy pero bigo ang mga ito na magpresenta kaya’t inaresto ang mga ito.
Ipinasakamay na ng mga kapulisan ang nakumpiskang pinutol na kahoy sa tanggapan ng DENR-Appari habang nananatili ang mga suspek sa pangangalaga ng pulisya.
*tags: 98.5 iFM Cauayan, 98.5 RMN, *PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines, Michael Buenaflor, Romeo Cusit, Cesar Villasin, Brgy. Maddalero, Buguey, Cagayan, DENR-Appari, Cauayan City, Luzon