Aabot sa tatlong libong indibidwal ang isasali ng Department of Science and Technology (DOST) sa vaccine mix and match clinical trials.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOST Usec. Rowena Guevarra na 18 taong gulang pataas ang isasali sa pagsusuri na mula sa A1 priority group (medical healthworkers), A2 category (senior citizens), A3 o yung may mga comorbidities at A4 o iba pang frontline workers.
Ayon pa kay Guevarra, limang bakuna ang isasali nila sa nasabing vaccine mix & match clinical trials kung saan kabilang dito ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, Pfizer at Moderna.
Sinabi pa nito na dalawang klase ng eksperimento ang kanilang gagawin.
Una rito ang paggamit ng dalawang brands ng bakuna at ang ikalawa ay ang paggamit ng magkaparehong brand ng bakuna at titingnan kung kailangan pang gumamit ng iba pang brand ng bakuna na magsisilbi bilang booster shot.
Kasunod nito, inaasahang sa susunod na buwan ay masisimulan na ang vaccine mix and match clinical trial sa bansa.
Sa ngayon ay nasa proseso na ang ahensya ng pagpapasa ng mga rekisitos sa Food and Drug Administration (FDA) at kinakailangang makapasa ito sa ethics review board upang tuluyan nang makapagsimula ang nasabing trial.