*Cauayan City, Isabela- *Boluntaryong isinuko ng tatlong katao na miyembro Communist-NPA- Terrorist ang kani-kanilang mga sarili sa mga otoridad kasama ang kanilang mga matataas na kalibre ng armas sa Sagada, Mt. Province kamakalawa.
Kinilala ang mga sumukong Militia ng Bayan na sina alyas ‘JET’, 40 anyos na miyembro ng Squad 1, Guerilla Marco ng Kilusang Larangan at isa pa na si alyas ‘Tubay’, 47 anyos habang armado ang mga ito ng dalawang (2) M16 Riffles at mga bala.
Ayon kay alyas ‘JET’, isang maling desisyon na kanilang nagawa ay ang umanib sa CPP-NPA na dahilan ng pagiging miserable ng kanilang buhay na sana ay inilaan sa kani-kanilang mahal sa buhay.
Pinuri naman ni Brigadier General Henry Doyaoen, Commander ng 503rd Brigade ang mga miyembro ng kasundaluhan sa kanilang ginawang pagsisikap na mapasuko ang noo’y nag aklas sa pamahalaan.
Dagdag pa ni BGen. Doyaoen na patunay lamang ito na matibay ang kolaborasyon sa ilang mga pribadong sektor maging sa hanay ng kapulisan para mailigtas ang mga naligaw ng landas matapos ang ginagawang pakikibaka ng mga ito sa gobyerno.
Kaugnay nito, pinuri din ni Major General Pablo Lorenzo, Commander ng 5th Infantry Division ang mga tropa ng kasundaluhan sa pagkamit ng kapayapaan matapos mapasuko ang binansagang ‘Militia ng Bayan’.
Ayon pa kay MGen. Lorenzo, nagpapakita lamang ito na ang pagsuko ng mga rebelde sa Mt. Province ay dahil sa patuloy na pagtutok ng militar sa mga operasyon at pagpapatupad ng batas sa lugar sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno maging ang publiko sa aktibong suporta ng mga ito sa Executive Order 70 ni Pangulong Duterte upang wakasan ang insurhensiya.
Hinihikayat naman ng pamunuan ng kasundaluhan na mangyaring magbalik-loob na ang mga natitirang rebelde at sumailalim sa programa ng gobyerno.