Boluntaryong sumuko nitong Pebrero 3, 2022 sina Alias “Riting”, 42 anyos; Alias “Lando”, 44 anyos, kapwa residente ng Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan at Alias “Paquito”, 45 anyos, na residente naman ng Barangay Mission, Sta Teresita, Cagayan sa tulong ng mga tropa ng 98th Infantry Battalion, Marine Battalion Landing Team at ng mga tauhan ng PNP Gonzaga.
Kasama sa mga isinuko ng mga tagasuporta ang mga gamit pandigma at gamit pang-medikal ng mga NPA.
Ayon sa pahayag ng tatlong sumukong NPA Supporters, pagod na sila sa kasinungalingan at ginagawang panloloko ng makakaliwang grupo.
Nais na rin raw nila na mamuhay ng normal at mailayo sa panganib na hatid ng mga teroristang NPA.
Inihayag naman ni LTC Abraham M Gallangi Jr, Commanding Officer ng 98IB, na ang pagsuko ng tatlong tagasuporta ng makakaliwang grupo ay resulta ng patuloy na kooperasyon at pakikipagtulungan ng mismong mga residente sa Gonzaga sa ipinatutupad na NTF-ELCAC ng pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pagtalikod ng tatlong dating NPA supporters at hinikayat rin ang mga ito na makipagtulungan sa pamahalaan sa paghimok sa mga natitira pang sumusuporta sa NPA at pagsulong sa kapayapaan at pag-unlad ng probinsya ng Cagayan.