TATLONG PANGASINENSE, BRONZE MEDALISTS SA SEPAK TAKRAW WOMEN SA SEA GAMES

Ipinagdiwang sa Pangasinan ang tagumpay ng mga batang atletang lumahok sa katatapos lamang na Sepak Takraw Women’s Event, matapos nilang masungkit ang Bronze Medal sa 33rd Southeast Asian Games na ginanap sa Nakhon Pathom, Thailand.

Naging makahulugan ang pagbisita nina Jhoana Abulencia, Joana Bayaca, at ng kanilang Head Coach na si Gene Mark Saavedre sa opisina ng alkalde, bitbit ang layuning pagtibayin pa ang suporta at pagkilala sa kanilang tagumpay.

Ang Sepak Takraw ay isang isport na kahawig ng volleyball, subalit gumagamit lamang ng paa, ulo, dibdib, at balikat sa pagpasa at pagpalo ng bola. Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng kamay o braso sa anumang pagkakataon.

Kailangang maipatawid ang bola sa kabilang panig ng net at mapabagsak ito sa loob ng court ng kalaban upang makapuntos.

Nawa’y ang kanilang tagumpay ay magsilbing inspirasyon sa mga kabataang nagnanais matutunan at mahalin ang nasabing isport lalo na sa mga paaralan.

Samantala, magaganap naman sa darating na Nobyembre ang ASTAF (Asian Sepak Takraw Federation) U-19 Asian Sepak Takraw Championship, na gaganapin sa Maynila, kung saan inaasahang muling magpapamalas ng husay ang mga atletang Pilipino sa larangan ng Sepak Takraw. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments