Tatlong Rehiyon sa N.Luzon, Magtatatag ng Checkpoints sa Pangangalaga ng Kalikasan

Cauayan City, Isabela- Itatatag ng tatlong rehiyon sa Northern Luzon ang joint monitoring checkpoint upang pangalagaan at proteksyunan ang kagubatan.

Sa virtual meeting na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Cagayan Valley, Ilocos at Cordillera Administrative Region (CAR), tinukoy ang 12 lugar kung saan apektado ng illegal transport ng mga kahoy mula sa mga nabanggit na rehiyon.

Ang pagtatatag ng joint checkpoints ay resulta ng tripartite agreement na nilagdaan sa pagitan ni DENR Regional Executive Directors Crizaldy Barcelo ng Region 1, Gwendolyn Bambalan ng Region 2 at Ralph Pablo ng CAR kung saan layunin na makamit ang pangangalaga sa enviroment and natural resources.


Ayon kay Director Bambalan, ang pagtatag ng checkpoint ay upang tugunan ang problema sa iligal na transportasyon ng mga forest products, wildlife at illegally extracted mula sa mga kagubatan.

Itatayo ang monitoring checkpoints sa mga strategic checkpoints malapit sa forest conservation areas, protected areas at development areas.

Samantala, base sa operational guidelines, 24 oras ang magiging operasyon ng pagbabantay sa mga lugar na tutukuyin ng ahensya at isasagawa ang ilang hakbang upang matukoy ang mga kahina-hinalang sasakyan na posibleng dala-dala ang mga iligal na kahoy.

Kanila rin umanong hahanapan ng dokumento para alamin kung legal ba ang pagbiyahe ng mga forestry products.

Sasailalim naman sa pagsasanay ang mga tauhang itatalaga sa mga checkpoint upang matiyak na epektibong maipatutupad ang naturang batas.

Facebook Comments