Tatlong testigo sa katiwalian sa PhilHealth, binigyan ng Senado ng legislative immunity

Pinagkalooban ng Senado ng legislative immunity ang tatlong testigo sa umano’y kaliwat kanang anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ito ay sina PhilHealth board member Alejandro Cabading, former executive assistant Estrobal Laborte at nagbitiw na anti-fraud legal officer Atty. Thorrsson Montes Keith.

Samantala sa Senate hearing ay isiniwalat ni Atty. Keith na walang basehan na naglagay ng 9.7-million pesos ang PhilHealth Region II Office sa Balanga Rural Bank sa Bataan sa pamamagitan ng serye ng transaksyon noong May 2019.


Sabi ni Keith, ang ganitong istilo ay ilan lamang sa mga modus ng sindikatong nasa likod ng mga anomalya sa PhilHealth.

Inilabas naman ni PhilHealth Legal Counsel Atty. Roberto Labe Jr. ang listahan ng top 10 hospitals na nakatanggap ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM funds na pantugon sa COVID-19 cases.

Nanguna dito ang Southern Philippines Medical Center sa Cebu City, sumunod ang UP Philippine General Hospital at pangatlo ang Davao Regional Medical Center.

Giit ni Labe ang distribusyon ng IRM funds ay patas at batay sa dami ng COVID- 19 cases sa bawat lugar.

Pero kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tila favoritism ng PhilHealth sa pagbibigay ng advance payment sa mga ospital.

Inihalimbawa ni Drilon ang agad na pagbibigay ng 247 million pesos sa isang ospital sa Region 5 na may iisa lang na kaso ng COVID-19 noong Abril at isa pang ospital sa Region 8 na nabigyan agad ng 196 million pesos kahit isa lang din ang COVID case noong Marso.

Dismayado si Drilon na may mga maternity at dialysis center na agad nabibigyan ng advance payment habang natatagalan sa mga ospital na maraming COVID-19 cases.

Facebook Comments