
Arestado ang isang indibidwal habang nananatiling at large ang dalawa nitong kasabwat matapos umanong biktimahin ang isang Japanese national sa loob ng kanyang hotel room sa Okada Manila.
Kinilala ang biktima sa alyas na Urai, 26-anyos, habang ang nahuling suspek ay si alyas Justine. Nakatakas naman ang dalawa pang suspek na kinilala sa alyas na “Riley” at “Kitty.”
Batay sa imbestigasyon, nakilala ng biktima ang isa sa mga suspek na si Riley sa isang dating app at inimbitahan ito sa kanyang hotel room sa Seaside Drive, Entertainment City, Barangay Tambo, Parañaque City.
Gayunman, tatlong transgender women ang dumating sa kanyang silid. Doon, puwersa umanong hinubaran ang biktima at pinilit na magsagawa ng oral sex.
Matapos ang insidente, nag-demand ang mga suspek ng tig-₱20,000.
Nang tumanggi ang biktima, umano’y pinagsisipa siya at tinutukan ng stun gun sa mukha, dahilan upang mapilitan siyang sumunod sa kanilang hinihingi.
Kalaunan, pumayag si Urai na mag-withdraw ng pera sa casino.
Habang sinasamahan ng suspek na si Justine sa ATM, nakahanap ng pagkakataon ang biktima na magpadala ng distress message sa hotel receptionist sa pamamagitan ng pag-type ng “Please help me” sa kanyang cellphone.
Agad namang tumawag ng tulong ang receptionist sa hotel security at isang Japanese interpreter.
Pagdating ng mga security personnel sa silid ng biktima, wala na roon sina Riley at Kitty.
Nadiskubre rin ng biktima na nabuksan ang kanyang luggage at nawawala ang ₱9,000 na cash.
Dinala na sa Tambo Police Sub-station ang suspek na si Justine para sa kaukulang proseso, habang patuloy ang manhunt operation laban sa dalawa pang suspek.










