TATTOO ARTIST SA CAUAYAN CITY, TIMBOG SA DRUG BUY BUST OPERATION

Cauayan City, Isabela- Labis ang pagsisi ng isang Tattoo artist matapos madakip sa ikinasang drug buy bust operation ng kapulisan ng Cauayan City Police Station pasado alas onse kagabi sa Canciller Avenue, Brgy. District 1, Cauayan City.

Sa ating personal na pagsama sa isinagawang buy bust operation ng kapulisan, agad na inaresto at pinosasan ang suspek na kinilalang si John Payrick Dullavin, 21 taong gulang, binata, pansamantalang nakatira sa Zipagan St. ng Brgy. District 1, Cauayan City at tubong Muntinlupa City.

Sa naturang transaksyon, nabentahan ng suspek ang isang pulis na umaktong poseur buyer ng dried marijuana na nakabalot ng papel kapalit ang isang libong piso.

Nang mag-abutan ang suspek at poseur buyer ay dito na dinakip ang suspek.

Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang ginamit na P1,000 peso bill na marked money; pera nito na nagkakahalaga ng P900; isang smartphone at lighter.

Unang dinala sa Cauayan District Hospital ang suspek para sa medical examination at drug test bago idineretso sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa tattoo artist, napag-utusan lamang daw siya na magbenta ng ipinagbabawal na gamot subalit hindi na tinukoy kung sino ang nag-utos sa kanya.

Inamin din ng suspek na pangalawang beses na siyang nahuli sa parehong transaksyon kung saan 17- anyos pa lamang umano siya noong unang maaresto.

Nagawa raw niyang sumunod sa iniutos sa kanya na magbenta ng marijuana dahil sa pangangailangan ng pera.

Ayon naman sa mga otoridad, kabilang si Dullavin sa drug watchlist ng PNP na kanilang binabantayan sa lungsod ng Cauayan.

Ngayong araw ay sasampahan din ang suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments